Home » Latest News » Basurang galing daw sa Baguio City, itinatapon sa Malasiqui, Pangasinan

Basurang galing daw sa Baguio City, itinatapon sa Malasiqui, Pangasinan

Hinarang ng Malasiqui police ang tatlong trak na may dalang mga basura na sinasabing nagmula sa lungsod ng Baguio.

Ito ay makaraang maaktuhan ang mga drayber ng trak na itinatapon ang mga kargang basura sa Brgy. Taloyan, Malasiqui, Pangasinan.

Narami umanong nilabag na batas ng nabanggit na bayan ang mga drayber at pahinante ng mga trak.

Binigyang-diin ni P/Supt. Policarpio Cayabyab, hepe ng Malasiqui police, na nakasaad sa memorandum na hindi tinatanggap sa kanilang bayan ang hindi naibukod o segregated na basura.

Matagal na umano nilang nababalitaan ang pagtatapon ng basura sa kanilang lugar at sa tulong na rin ng isang nagmalasakit na residente, nahuli nila ang mga responsable.

Pitong katao, kabilang ang mga drayber at pahinante ang dinala sa himpilan ng pulisya.

Napag-alamang hindi pinayagan ang mga itong magtapon sa sanitary landfill ng Urdaneta dahil sa hindi segregated na mga basura.

Paliwanag naman ng isa sa nahuling drayber na si Mike Salud, hindi nila alam na ipinagbabawal ang pagtatapon ng basura sa Malasiqui.

“Galing kami ng Urdaneta, tapos dumiretso kami dito. Hindi namin alam, tanong niyo na lang ‘yung boss namin,” dagdag pa ni Salud.

Tumanggi na ang mga drayber na pangalanan ang among nag-utos sa kanilang magtapon ng basura.

Nakatakda naman umanong makipagdayalogo ang lokal na pamahalaan ng Malasiqui sa pamunuan ng Baguio City government ukol sa naturang isyu.

Samantala, sa panayam sa telepono kay Baguio City Mayor Mauricio Domogan, nilinaw niyang wala silang kinalaman sa ginawang pagtatapon ng mga basura ng mga nahuling drayber. – ICA, Glam Calicdan/FRJ, GMA News

© Aliguas Balon Malasiqui